Ang Sementeryo ng La Loma bilang Espasyong Pandigma, Pansanitasyon at Recreational Park, 1899-1945.
Keywords:
La Loma, sementeryo, sanitasyon, digmaan, recreational parkAbstract
Ang pagtama ng iba’t ibang suliraning pangkalusugan at pangkapaligiran noong ikalabing-siyam na dantaon ay naging mga salik upang makita ng pamahalaang kolonyal ng Espanya ang kahalagahan ng pagtatayo ng isang cementerio general sa Kamaynilaan. Ang pagpaplano at konstruksiyon ng Cementerio General de La Loma noong 1864 (na binuksan noong 1882 dahil sa epidemyang kolera) ay nagsilbing simbolo ng kaayusan at pag-asa sa mga Kristiyano, lalo’t masama na ang estado ng mga sementeryo sa mga simbahan at mga arrabales noong panahong iyon. Sa pagkakatatag ng sementeryo ng La Loma, nagsimula rin ang iba’t ibang mga reporma hinggil sa pangangalaga at pagpapatayo ng mga sementeryo sa kapuluan na hindi naglaon ay naging pamantayan ng sistemang pangsementeryo sa buong Pilipinas. Ang pagtatapos ng pamunuang Espanyol sa Pilipinas ay naghudyat din upang bigyan ng bagong imahen ang sementeryo ng La Loma na labas sa pangunahing layunin nito bilang espasyong nakalaan para sa mga Kristiyanong yumao. Ang bagong imahen at gampaning nito ay nakaugnay sa iba’t ibang mga patakaran at ideolohiya ng mga Amerikano na nakakabit sa iba’t ibang mga kondisyon na kinaharap ng bansa sa panahon ng kanilang pamumuno.
Ang pananaliksik na ito ay isang paunang pagsasalaysay sa naging gampanin ng sementeryo ng La Loma sa lipunang Pilipino mula sa mga taong 1899 hanggang 1945. Layuning maisalaysay ang kaugnayan ng iba’t ibang mga suliraning pangkalusugan at panlipunan sa naging gampanin at kabuluhan nito bilang isang war zone, sanitary station, at recreational park. Mula rito ay mas mauunawaan ang iba’t ibang mga dimensyon at kabuluhan ng sementeryo ng La Loma na hindi lamang nakasentro sa paniniwalang Kristiyano kundi pati na rin sa pagtitiyak ng kaayusang panlipunan at pansanitasyon sa lipunang Pilipino.
Downloads
Published
How to Cite
Issue
Section
License
Copyright (c) 2022 TALA: An Online Journal of History
This work is licensed under a Creative Commons Attribution-NonCommercial 4.0 International License.