ANG PANGINGISDA SA PANAHON NG KOMONWELT: ISANG PAGTATANGKA TUNGO SA INDUSTRIYALISASYON, 1935-1941
Keywords:
Pangingisda, Pagsasalata, Industriya ng pangingisda, National Food Products Corporation, self-sufficiencyAbstract
Ang Pilipinas bilang isang arkipelago ay likas na pinagpala sa yamang-dagat. Mula sa biyayang ito nakukuha ng mga Pilipino ang kanilang kabuhayan na pangingisda. Ang katotohanang ito ay hindi naging lingid sa kaalaman ng mga Amerikano sa simula ng kanilang pananakop. Sa katunayan, taong 1898 pa lamang ay naglunsad na sila ng panimulang pagsisiyasat sa yamang-dagat ng Pilipinas. Gamit ang kaalaman mula sa mga pagsisiyasat na ito ay nailatag ng Philippine Commission ang kanilang mga mungkahi kung paano pangasiwaan at pamahalaan ang pangingisda sa Pilipinas. Ang kalihim ng Department of Interior na si Dean Worcester ay naging masigasig sa pagbibigay ng rekomendasyon sa pangangasiwa sa pangingisda sa kanyang mga taunang ulat. Hindi kalaunan ay naitatag din ang sangay na mangangasiwa sa pangingisda na Fish and Fisheries Section ng Biological Laboratory sa ilalim ng Bureau of Science noong 1907. Sa kabuuan ng pamamahala ng mga Amerikano, pamamaraang siyentipiko ang kanilang naging hakbang sa pangangasiwa ng pangingisda ngunit hindi nabigyang pansin ang industriyalisasyon nito sa kabila ng paulit-ulit na panawagan. Ang pangunahing hakbang tungo sa industriyalisasyon ng pangingisda sa Pilipinas ay maisasakatuparan lamang sa panahon ng Pamahalaang Komonwelt. Tatalakayin ng papel na ito ang pagsisikhay ng Pamahalaang Komonwelt na pasimulan ang industriyalisasyon ng pangingisda bilang bahagi ng layunin na masiguro ang self-sufficiency ng ekonomiya ng bansa. Ilalahad ang mga tagumpay na hakbang ng pamahalaan kaalinsabay ng mga problemang kinaharap nito at magtatapos sa naudlot na industriyalisasyon dahil sa pagsiklab ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.